Kapag pumatak na ang ulan ng Mayo sa isang matinding tag-init, umuusbong ang ALIMUOM. Kahit nakapagbibigay ito ng sakit sa kung sino mang makakaamoy nito, tao man o hayop, ito ay nagbibigay hudyat sa atin na tapos na ang tag-araw at simula na ng malamig na tag-ulan...bagong panahon, bagong pag-asa, bagong pagibig...
Ang Alimuom ng Kahapon ay isang pelikulang tungkol sa relasyong nabubuo mula sa pagkakaroon ng magkaibang ideolohiya at paniniwala. Ang mga pangyayari ay naganap sa Maynila kung kalian ang bansa ay binubugbog ng Pork barrel scam. At tulad ng Alimuom, may mga sekretong maaaring umalingasaw.
Ang Alimuom ng Kahapon ay pinagbibidahan ng Star Circle Quest 2004 alumnus, DM Sevilla, sa natatanging pagganap niya bilang si Nathan, isang lifestyle photographer na napilitang mag-cover ng isang demostrasyon para sa pahayagang pinagtatrabahuan. Sa rally nya nakita si Emman, isang estudyanting aktibista na nakikibaka laban sa pagtaas ng matrikula. Si Emman ay ginampanan ng 2006 Golden Screen Breakthrough Performance by an Actor na si Angelo Ilagan. Nabuo ang interes ni Nathan kay Emman at sinimulang sundan niya ang aktibista sa iba pang mga rally para makunan ng litrato. Nagkakilala ang dalawa ng kanilang iniwasan ang isang kaguluhang naganap. Nabuo ang isang espesyal na relasyon, subalit hindi naging maayos, laging puno ng kontradiksyon, at hindi pagkasunduan dahil sa kanilang magkaibang sitwasyon at paniniwala.
Tinatampok din sa pelikula sina Manuel Chua, Sebastian Castro, Marq Dollentes, Rex Lantano, Ford Fernandez, Alizon Andres at Godofredo Dela Cruz, na may espesyal na pagganap kina Jong Cuenco, Siege Ledesma at Angelina Kanapi. Ang screenplay ay sa panulat nina Rosswil Hilario, Rolando Inocencio, at Julius Lumiqued, sa direksyon ni Rosswil H. Hilario, sa ilalim ng Mountain Trail Productions.
No comments:
Post a Comment